I. Nagwawala, Nawawala
Dahil Valentine's Day, kailangang mag-date din kami nina Tatty, Tanya, at Thirdy. Parang mali ang desisyon namin na lumabas nang alas-sais na ng gabi. Grabe ang trapik! Buwis-buhay! Kumbakit ba naman kasi nagkasabay-sabay ang Friday, Valentine's Day, at araw ng sweldo? Eh di inabot kami ng halos isang oras hanggang Market!Market! Ang dating 90 pesos na taxi fare, naging 150 ata. So the date must go on. Para mas sweet, sa Metro Supermarket kami nag-date. Ang saya! tulak-tulak ng push cart, abot-abot lang ng diaper, shampoo, sabon.. pili-pili ng rice, ng chicken cuts... saway-saway din ng maliliit na daliri na inaabot ang di dapat inaabot.. Kakaibang Valentine's Day namin ni Tatty in 20 years!
Bandang alas-nuwebe na ng gabi nong nakalabas kami ng mall. Andaming may bitbit na roses and teddy bears. Pero mas natuwa ako sa magdyowa na ito. Yakap ni girl ang teddy bear na may ribbong pula at isang bouquet ng red roses, yong long stem. Naka-mini skirt si girl. Malaki na ang tiyan.
So diretso kami sa Taxi Bay sa may Fruit Stand. Approaching pa lang kami nang marinig ko ang malakas na boses.
Isang lalaki ang nagsisisigaw. Nagwawala si kuya. Inaaway ang asawa. Sus ginoo. Eskadalo ang eksena. Dedma naman ang mga nasa pila. Kunyari walang naririnig, walang nakikita. Ako naman, hindi pwedeng di ko alam ang nagaganap sa paligid ko. Malay ko ba kung may safety and security hazard pala, di ba? Joke.. likas na uzi lang talaga ako ;)) So bumili ako ng fruit mix, sabay tanong sa tindera: "Anong nangyari? Bakit nagsisisigaw yong mama?" Nasa pila na pala ng taxi ang mag-asawa saka nila narealize na di na nila kasama ang anak nila. In short, nawawala ang anak nila. Sa sobrang excitement ata nila ni misis, nalimutan nilang may kasama silang anak. Etong si kuya, nakiusap sa tinderang kausap ko na makikicharge ng cp. Dahil bawal daw, hindi sya pinayagan ni tindera. Lalong nagalit si kuya. Umalis sila sa pila makaraang nagsisisigaw sya.
Moral of the story: Wag feeling dalaga't binata ha. Di porke Valentine's Day, dedma na ang mga anak. Bumili din ng power pack. Sana lang nakita nila ang anak nila sa dami ng tao kagabi.
II. Ayaw Mo Na, Gusto Ko Pa
Mag-aalas diyes y media na. Nakatayo lang ako, nakakapit sa push cart. Sina Tanya at Thirdy, nasa may kaliwa ko, nakaupo sa monobloc chairs, kumakain ng cheese bread. Nagkukulitan as usual.
Isang babae at dalawang lalaki naman ang tumigil sa tapat naming mag-iina habang ang Tatty namin ay nakapila sa taxi bay. Nagbubulungan sila. Si Boy 1, hawak ang cp, nakahalukipkip. Medyo chubby si Boy 1, chinito. Si Girl, simple lang. Walang make-up. Naka-maong at white shirt. Para siyang naiinis kasi maya't maya ang pagdadabog. Hila nang hila sa strap ng backpack nya. Si Boy 2 naman medyo payat. Naka-red and black checkered polo, maong, at bull cap. May hawak na malaking stuffed toy. As in malaki, yong halos tag 1 thou plus sa Blue Magic. May bitbit din syang isang malaking supot na mukang regalo din ang laman kasi nakalitaw ang ribbon ng kahon sa loob. Lumayo kunti si Girl, sumunod si Boy 2. Bulong nang bulong si Boy 2 kay Girl. Di ko na sana sila papansinin kung hindi dahil sa mga narinig ko.
Si Boy 1, may tinawagan sa cellphone. Anlakas ng boses. Halatang ipinaparinig sa iba ang sinasabi nya.
"Attorney, si Alex ito. Si Alex. Oo, number ko to. Ano bang parusa sa bullying, cyberbullying, at harassment? Kasi itong kasama kong girl, hinaharass ng dating officemate namin. Pati ako tinatakot. Sisiraan daw ako sa opisina at magpopost daw sya ng kung ano ano sa facebook ko. Eto o, sunod nang sunod sa amin. Tinatakot kami. Oo, andito kasama namin. Kung ano anong sinasabi."
Saka ko nilingon si Boy 2. Nakatingin sya kay Boy 1. Medyo umatras sya at naupo sa may likuran nina Tanya at Thirdy. Yakap nya ang teddy bear. Nakatingin pa din kay Boy 1 na tuloy-tuloy sa pakikipag-usap sa phone. Inispeaker phone na ni Boy 1 pero di ko marinig ang kausap nya kasi maingay ang paligid. Tiningnan ko ulit si Boy 2. Matalim lalo ang tingin kay Boy 1. Flashing red na ang panic button ko. Full alert na ang ina.
"Di kami tinatantanan attorney eh. Anong gagawin ko?.... Okay.So hayaan ko lang attorney tapos gagawa na lang kami ng affidavit?.... Affidavit... Sige. Sa Monday na lang attorney... Okay sige ganun na lang. Thank you attorney. Attorney, tumawag ako sa yo ngayon ha, February 14, 10:30 ng gabi... Sige po Attorney." Then ibinulsa na nya ang cp.
Ang talim ng titig ni Boy 2 kina Boy 1 at Girl. Ibinababa nya sa tabi nya ang supot ng regalo. Kinabahan ako lalo. Inaabangan kong may ilalabas syang kung ano. Parang nakini-kinita ko na ang posibleng mangyayari. Kinabahan ako. Sinenyasan ko si Tatty na lumapit pero dedma. Mahalaga ang pila nya, mukang di maiwanan.
Hinawakan ko ang magkabilang kamay ng mga anak ko. Kunyari galit-galitan ako kina Tanya. Hinila ko sila palayo kay Boy 2. Medyo nakayuko ako kasi mababa ang mga inaakay ko.
"Halika nga kayo dito, ang lilikot nyo ha. Sabi ko tama na ang likot eh..."
Dalawang hakbang lang nakalayo kami kay Boy 1. Pagtapat ko kay Boy 1, nagsalita ako nang pasimple, mahina lang.
"Hindi naman itsurang manghohostage yang kasama nyo ano? Natetensyon ako. Anliliit nitong mga anak ko, mamya hablutin na lang nya. Pakilayo nyo na lang dito."
"Sorry Ate, stalker kasi nito eh." Sabay turo kay Girl. "Ex-bf nya. Kanina pa kami sinusundan."
"Sabi ko na sa yo, patulong na tayo sa guard. Wala namang pulis dito," sabi nya kay Girl. Si Girl lalong napasimangot.
"Sige Ate, pasensya po talaga." Tumango lang ako. "Sabi sa yo eh!" Sabay hila kay Girl. Si Boy 1, nilingon ko, sa guard nakatingin. At naglakad na sina Boy 1 at Girl palayo, sa direksyon ng Seattle's Best. Biglang tayo si Boy 2 at sumunod agad sa dalawa. Nagmamadali ang dalawa na makalayo pero parang langaw na nakabuntot si Boy 2. Saka pa lang ako nakahinga nang maluwag nong di ko na sila nakita.
Moral lesson: Kung ayaw na ng girl, wag nang mangulit. Tanggapin na lang na your time is up. Wag na din bibili ng mamahaling regalo kasi di na din naman oobra yan. Sayang lang. Hindi lahat ng bagay dapat pang ipaglaban. Magsave din ng number ng pulis sa cellphone in case of emergency.
Araw talaga ng mga puso kahapon- ng mga pusong nagmamahal, ng mga pusong natutuliro, ng mga pusong naghahangad na mahalin muli kesehodang isumbong pa sa attorney.